“GALINGAN MO PALAGI. MARAMING DUDA SA’YO” Ang masasabi ko lang, palagi mong galingan. Kung pakiramdam mong naiiba ka, paghusayan mong maging iba at piliting huwag gumaya sa kanila. Lalo mong pangatawanan kung sino ka. Hindi ikaw ang mali, kun’di ang kanilang pagtingin. Kung tumatawa sila kapag ika’y naghihirap. Kung pinag-uusapan nila ang iyong pangangapa. Kung minamaliit nila ang iyong mga nakikita. Maraming duda sa ‘yo, galingan mo pa! ‘Yong mga pakikipagkamay na may laway. ‘Yong mga papuri na may ibinubulong sa tabi. ‘Yong mga salita na kapag kumulog nawawala. ‘Yong mga palakpak matapos lang na makaakyat. Maraming duda sa ‘yo, mas galingan mo pa! Piliin mong maging iba. Ang pagsabay sa agos ang magdudulot ng bangungot. Ang pagpatol ang paniguradong sa pangarap mo’y hahatol. Mas ipakita mo pa! Pero hindi sa kanila. Para sa sarili mo ha?